Friday, September 14, 2012

Coffee Break

Simple lang naman pangarap ko. Tumungga ng Carlo Rossi sa loob ng aking lumang tsikot, habang nakikinig sa mga lumang love songs na ume-ere sa FM radio. Syempre dapat si volkswagen ay nasa harap ng dagat at lumulubog ang araw o di kaya'y pasikat pa lamang.

"15 minutes coffe break!" sigaw ni Albert.

Lumakad ako papuntang fire exit. Nasa unang palapag lang ako, kaya agad akong nakarating sa groud at dumiretso ng smoking area.

"Coffee mo.."

Nakangiti sya habang inaabot sa akin ang umuusok pang kape. Tipid ang ginawa kong reaksyon senyales na na-appreciate ko yun kahit paano. Bumunot ako ng yosi sa bagong bukas na kaha. Nagsindi 'ko ng isa at inabot sa kanya ang iba.

"Saan ka mamaya?" maingat kong tanong. kahit nakatingin sa malayo, nasa presensya nya pa din ang ulirat ko.

"Beth, invited me sa kanyang birthday party" sagot nya sabay buga sa natirang usok sa kanyang bibig.

"And you?"

"Bahay lang.."

"Bahay lang? Ayaw mo sumama?" may halong inis sa kanyang tono.

"I'm not invited"

"Okay, so kung magiging partner kita pwede ka na bang sumama?"

Minsan gustong-gusto 'ko ang mga dating ni Hazel. Alam na alam nya ang kiliti ko kahit saang anggulo ako magtago ng problema. Hindi aabot ng isang minuto, mabilis nya agad akong napapa-amo. Kung may mga rason ako o excuse, lagi din syang may nakahandang sagot. Para bang alam nya lahat ang pasikot-sikot sa loob ng isip ko. Palibhasa witty kaya iwas din ako sa pakikipag-diskusyon.

"Kamusta si Lance?"

"Naghiwalay kami kagabi, di ko na alam saan napadpad"

"Break agad?"

"Hindi naman naging kami. parang wala ka namang alam"

Kung ako lang masusunod, mas gugustuhin ko pa talagang wala akong alam. Ayokong makarinig ng mga kwento nya tungkol sa mga lalaking nag-take out sa kanya. Hindi ako tutol sa mga trip nya sa buhay, kaso nakakasawa din palang maging audience sa babaeng may kakaibang pangangati sa katawan.

Huli nyang kasama kagabi si Lance. Bago pa makuha ang gusto, marami na syang tanong sa akin. Gawain kasing kumonsulta muna bago pumatol. Maganda na daw ang nag-iingat kesa sa ibang langit sya lumipad. Tulad ng mga naunang ligaya, ganoon din ang kinabagsakan ni Lance. Gusto nyang kinikilala ko muna ang lalaking gusto nyang makasama sa magdamag, bago nya landiin. Ibang klaseng babae si Hazel. Nakakapaso pa sya sa literal na apoy.

"Nagtext sya sa akin kanina. Nagtatanong lang. Mahal ka na yata"

"Ako? Mahal? Agad-agad? Isang araw 'ko lang sya nakausap. Isang gabi lang kami nagsama" nakaka-isa palang ako naka-sampu na sya.

"Sinong next?"

"Wala pa.." malamya nyang sagot.

"Ingat sa susunod baka mahulog."

Hinithit ang natitirang yosi. Sumagad ang baga hanggang sa brand ng sigarilyo. Kasabay ng pagbuga ang malakas na halakhak. Nasisiraan na talaga sya ng ulo. Kung hindi 'ko sya kakilala, malamang ako na ang unang tumawag sa mental.

"Love is the biggest lie.." bulong nya.

"Oo, tama ka. Tapos na ang 15 minutes coffee break.." sagot ko.

Inangkla nya ang kanyang braso sa akin. Alam kong tinititigan nya 'ko sa gilid ng kanyang mga mata habang naglalakad kami papasok ng fire exit. Ilang hakbang pa nasa unang palapag na kami ng gusali.

"Hihintayin kita mamaya ha!" paalala nya sa birthday ng kaibigan.

"Hindi ako sigurado.."

"Ang labo nito! Ano bang gusto mong mangyari sa buhay mo?"

"Ako?" ngumiti ako.

"Simple lang. Pangarap kong tumungga ng Carlo Rossi habang nasa loob ng kotse ko sa ilalim ng papalubog na araw, habang nakikinig ng love song sa FM radio"

"That's it?"

"Syempre kasama ka.."

May kakaibang tukso sa kanyang mga mata na mahirap iwasan. Ngiting nang-aakit at handang manakmal.

"How about another 15 minutes coffee break?"

"Sure! Pero kumain ang trip 'ko eh.."

"Ignoring me? Sige ka baka pagsisihan mo" pang-aasar nya.

"Hazel mahal kita.."

"Corny mo! Tara na nga!" hinila nya 'ko papalabas ng building.

Ibang klase talaga si Hazel. Hindi ako tanga para magsinungaling na wala akong pagtingin sa kanya. Mahal na mahal 'ko sya. Ayokong ang init lang ng katawan ang mamamagitan sa aming dalawa. Ayokong ibigay nya ang bagay na hindi ko hinihiling sa kanya.

Isa lang ang gusto ko. Pangarap kong tumungga ng Carlo Rossi sa loob ng kotse sa papalubog o papasikat na araw, habang nakikinig ng love songs sa radyo. Kasama si Hazel na nakangiti habang hinihintay namin ang kanyang mga huling sandali.


-end

No comments:

Post a Comment